NAGMARTSA ang grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) patungo sa Mendiola sa San Miguel, Maynila bilang pagkondena sa Disbursement Accelaration Program (DAP). (BONG SON)
NAGPAPLANO na ang mga empleyado ng hudikatura na magsagawa ng kilos-protesta sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa Hulyo 28.
Ayon kay Supreme Court Employees Association (SCEA) President Jojo Guerrero, naghahanda na sila sa isasagawang protest march bilang pagpapakita ng pagkontra sa pahayag ng Pangulo kaugnay sa Judiciary Development Fund (JDF).
Bagama’t wala pang malinaw na plano, ang tiyak naman ay pakikinggan nila ang ihahayag na talumpati ni Pangulong Aquino dahil hindi malayong patutsadahan muli ang Hudikatura.
Kaugnay ng ikinakasa nilang protesta sa Lunes, nilinaw ni Guerrero na hindi nila ito kinonsulta sa mga mahistrado.
Karapatan nila na maghayag ng kanilang saloobin at protektahan at ipaglaban ang kanilang tahanan, ang sangay ng hudikatura.
Para sa kanila umanong mga empleyado ng hukuman, hindi sila patitinag sa pananakot at pagbabanta ng mga kaalyado ng administrasyong Aquino na planong kunin ang kanilang pondo, partikular ang JDF.
Katwiran ni Guerrero, ang JDF ay legal dahil may pinagbabatayang batas nito ang PD1949, pero ang DAP umano na ipinagtatanggol ni Pangulong Aquino ay ilegal at unconstitutional.
(LEONARD BASILIO)