NATABLAHAN si hydra grandmaster Wesley So sa round 4 pero siya pa rin ang nangunguna sa nagaganap na ACP Golden Classic Bergamo 2014 International Chess Tournament sa Italy.
Kahapon naghati sa isang puntos sina Pinoy woodpusher So (elo 2744) at Zoltan Almasi (elo 2693) ng Hungary matapos ang 21 moves ng Reti opening.
May total three-points si 20-year old So mula sa dalawang panalo at dalawang draws upang masolo ang top spot sa event na may pitong manlalaro at ipinatutupad ang single round robin.
Dahil bye si So sa round 5 ay sa round 6 na ito susulong ng piyesa kontra GM Jobava Baadur (elo 2713) ng Georgia.
Solo sa segundo puwesto si Baadur tangan ang 2.5 puntos matapos kaldagin si Daniele Vocaturo (elo 2584) ng Italy.
Dahil sa pagkatalo lalong nabaon sa ilalim ng standings si Vocaturo bitbit ang 0.5 puntos.
“It was not too late probably as I was a bit better, but i didn’t stand and my position collapsed. Just too much activity” wika ni Vacaturo.
Sa isa pang pares ng laro, pinisak ni Russian GM Ian Nepomniachtchi (elo 2730) si Sabino Brunello (elo 2568) ng host country.
Sina Brunello, Almasi, Nepomniachtchi at Emil Sutovsky ay may tig 1.5 puntos.
Samantala, pagkatapos makipagdikdikan ni So kay Baadur ay makakasagupa nito sa huling round si Brunello.
(ARABELA PRINCESS DAWA)