KASAMA ni Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Customs district collector Edgar Macabeo (gitna) si Customs Enforcement Security Service (ESS) Director Willie Tolentino (kaliwa) nang ipasa kay Atty. Ronnie Cudia, Regional and NCR deputy director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang iba’t ibang uri ng illegal at restricted drugs gaya ng shabu, valium, ephedrine at ang anim (6) na sako ng walang tatak na white substances na nakompiska sa isang courier firm na tinatayang nagkakahalaga ng P24 milyon sa isang simpleng seremonya sa Customs house malapit sa airport kahapon. (JERRY YAP)
ANIM na sako ng iba’t ibang droga na nakompiska ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang ibinigay kahapon sa Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Customs District III Collector Edgar Macabeo, ang mga nahuling droga ay natagpuan sa ladies shoes, denim pants, zippers, books, billiard cue stick, teddy bear, lotion at mga dokumento na nakalagay sa iba’t ibang uri ng parcels.
Ang naturang mga droga ay ipadadala sana ng tatlong courier firms sa ilang bansa sa Europa, Gitnang Silangan, South Africa at sa Israel.
Kinabibilangan ito ng shabu, ephedrine, shabu na nasa tablet form, Valium 10mg (Diazepam), Ativan (Larazepan 2mg), Dormicum 5 mg, Rivotril (Clonazepam), Ritalin tablets at iba pang unlabeled tablets na tinatayang may P24 milyon halaga.
Ang huling nadiskubreng droga nitong nakaraang Linggo at Lunes na umabot 15 gramo ng shabu ay nakompiska ng mga awtoridad na ipinasak sa loob ng soft drink straw, at ang iba ay inilagay sa fastener.
Ayon kay Macabeo, ilang beses nang tinangka ng sindikato na magpadala ng droga sa abroad pero lagi nilang napigilan dahil sa mga tauhan nila na nakabantay sa X-ray security machine at sa kanilang task force na tinawag na “Non-Intrusive Inspection Team,” kaya madali nilang nahuhuli ang mga kontrabando palabas ng bansa.