INIHAYAG ni Department of Energy (DOE) Secretary Jericho Petilla na sisikaping maibalik ang supply ng koryente sa buong Metro Manila makaraan manalasa ang bagyong Glenda.
Ayon sa Kalihim, malamang na sa Hulyo 19 hanggang Hulyo 22 pa maibabalik ang supply ng koryente sa main line nito partikular sa lalawigan ng Quezon at Bicol na matinding sinalanta ng bagyong Glenda.
Sinabi ni Petilla, nasa 50 porsiyento pa lamang ng supply ng koryente sa Luzon ang naibalik habang marami pang kabahayan sa Metro Manila, Southern Luzon at Bicol Region ang wala pang koryente.
Wala pang koryente ang karamihan sa mga lugar ng Quezon City, Taguig, Muntinlupa, Maynila, Makati City, Las Pinas, Paranaque at sa area ng CAMANAVA .
Ang ibang bahagi ng mga lugar ay mayroon nang supply ng koryente simula noong pang gabi ng Hulyo 16.
Batay sa ahensya, sa kanilang tantiya, 99.98% sa Quezon ang wala pang koryente, Batangas, 94%; Cavite, 67%; Laguna, 61%; Rizal, 47%; at Bulacan, 11%.
Maibabalik pa lamang ang supply ng koryente nang 10% hanggang 15% sa area ng Quezon Province, Camarines Norte, Albay at Sorsogon na pinakamatinding tinamaan ng bagyong Glenda.
Ito aniya ay magiging depende pa kung gaano kabilis ang power cooperatives na maisaayos ang kanilang linya ng koryente patungo sa mga kabahayan.
Ayon pa sa DOE, nasa 81% na ang nagkaroon na ng supply ng koryente sa Metro Manila habang nasa 18% pa ang brownout.
(JAJA GARCIA)