Friday , April 4 2025

Ex-solon kumasa vs PNoy (Korte Suprema ipagtanggol – Abante)

071814_FRONT

MATAPOS tawagin na ‘tahasang pambabastos’ sa Korte Suprema ang talumpati ng Pangulo noong lunes, nanawagan ngayon si dating Manila Congressman Benny Abante sa taumbayan na “idepensa ang Hukuman” at sa mga miyembro nito na manindigan sa harap ng mga pag-atake ng Punong Ehekutibo.

Ito ang reaksyon ng dating Chairperson ng House Committee on Public Information at Vice Chairperson ng House Committee on Civil, Political and Human Rights sa talumpati ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Lunes nang idepensa ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program  (DAP).

Isa umano itong pagpapahayag na “hindi naman kailangan,  mapang-udyok, at hindi karapat-dapat na magmula sa pinakamataas na pinuno ng bansa.”

“Pambabalahura iyon,” ayon kay Abante “sa kalayaan ng Hudikatura.”

Aniya, ang mga inihayag ng Pangulo, sampu ng mga isinagawang hakbang ng mga kaalyado niya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ay nagpapakita lamang na ang Punong Ehekutibo ay “tahasang ginagamit ang kanyang kontrol sa dalawang sangay ng gobyerno” upang gawin “lahat ng nasa kapangyarihan upang paluhurin ang Kataastaasang Hukuman ayon sa kanyang kagustuhan.”

“Matapos atakehin ang katwiran ng desisyon ng Korte Suprema, pinangungunahan naman niya ngayon ang pagyurak sa Hudikatura. Nananawagan na ngayon ang mga kaalyado niya na busisiin ang JDF maging ang pagsasabatas ng panukalang magpapawalang-bisa sa JDF Law,” daing ni Abante.

Bukod sa mga pananakot na pangungunahan ang mga hakbang tungo sa pagpapatalsik sa mga kasapi ng Hukuman, ang mga kaalyado ng pangulo sa Mababang Kapulungan ay tahasang nagpahayag ng pagdududa sa paggamit ng Korte Suprema sa Judiciary Development Fund kabilang na ang panawagan ni Iloilo Rep. Niel Tupas na ipawalang-bisa ang JDF law.

Tahasan pinulaan ni Abante ang mga kaalyado ng Palasyo na nagsabing may karapatan ang pangulong isapubliko ang pagkadesmaya niya sa 13-0 decision ng laban sa mga hakbang na isinagawa sa ilalim ng DAP.

Ayon kay Abante, hindi karaniwang mamamayan ang pangulo na “may kalayaang ibulalas basta ang pagkadesmaya laban sa Korte Suprema kung hindi ayon sa kanyang pansariling hangad.”

“Kaiba kay Juan dela Cruz, nanumpa ang pangulo na ipagtatanggol at pagtibayin ang Saligang Batas, kasama na ang mahahalagang prinsipyong dito ay nakapaloob: ang kalayaan ng Hudikatura. Nang nagsalita ang pangulo sa telebisyon noong Lunes, nilabag niya ang sumpang ito,” paliwanag ni Abante.

“Kung mayroong kampeon sa kalayaan ng hudikatura, ang pangulo dapat ito. Kung merong magtatanggol sa hukuman mula sa impluwensyang panlabas, dapat ang pangulo ang nangunguna rito. Kung may taong maghahayag sa madla na igalang ang Korte Suprema, kahit labag sa kagustuhan ng mamamayan, dito dapat pumapapel ang pangulo.”

Dagdag ni Abante: “Hindi natin maaaring payagan ito. Maraming mga nauna sa kanya ang kinastigo ng Korte Suprema at sinopla ng Hukuman. Mula sa namayapang pangulong Corazon Aquino hanggang sa pinalitan ng kasalukuyang pangulo, lahat ng nagsilbing Punong Ehekutibo ay iginalang at tumalima sa Hukuman. Sobra na, tama na, lumaban na!”

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

MNL City Run Presents Elorde The Flash Run 2025 – Run Like A Champ FEAT

MNL City Run Presents: Elorde The Flash Run 2025 – Run Like A Champ

Unleash Your Inner Champion, Run for a Cause! Get ready to lace up, push your …

Alas Pilipinas Maganda ang simula sa AVC Beach Tour

Alas Pilipinas Maganda ang simula sa AVC Beach Tour

NAGSIMULA ng maganda ang Pilipinas sa Rebisco Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour Nuvali Open …

NAITAS DOT magkaakibat para sa Takbo Para Sa Turismo

NAITAS, DOT magkaakibat para sa “Takbo Para Sa Turismo”

ANG National Association of Independent Travel Agencies (NAITAS) at ang Department of Tourism (DOT) ay …

Rosales Pangasinan Fire Sunog

Sa Rosales, Pangasinan
INA, 10-ANYOS PIPI-BINGING ANAK PATAY SA SUNOG MULA SA POSTE NG KORYENTE

ISANG 30-anyos ina at 10-anyos anak na babaeng pipi at bingi ang namatay sa sunog …

DENR, LGU kinalampag sa illegal resort construction sa Bohol

DENR, LGU kinalampag sa illegal resort construction sa Bohol

SUMIKLAB ang galit ng mga lokal na residente kaugnay sa viral video ng isang backhoe …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *