NAGBABALA ang Makati City Health Department (MHD) sa publiko partikular sa mga residente ng lungsod, na iwasan bumili ng isdang bangus at tilapya na nangaling o nahuli sa Pasig River dahil hindi ito maganda sa kalusugan at maaaring makakuha rito ng sakit na physical retardation at cancer dahil sa kontaminadong tubig.
Nagpalabas kahapon ng babala si Dr. Jocelyn Vaño, ng city health office ng MHD, na iwasan bumili ng mga isdang nagmula sa Pasig River.
Ang babala ng MHD ay makaraan makatanggap ng ulat na umapaw ang mga isdang bangus at tilapya sa mga palaisdaan sa Rizal at Laguna dahil sa pananalasa ng bagyong Glenda at napunta sa Pasig River.
Ang mga isdang nakukuha mula sa Pasig River ay posibleng nagkaroon ng toxic chemicals partikular ang methylmercury.
Ang nakalalasong kemikal ay delikado sa nervous system at maraming sakit ang makukuha tulad ng physical retardation at cancer.
Ayon sa MHD, huwag maiinganyo sa murang presyo ng isda kung magdudulot ito ng peligro sa buhay.
(JAJA GARCIA)