PINALAWAK ng Emperador Inc., ang kanilang interes sa Espanya matapos lagdaan ng Grupo Emperador Spain S.A. – na kabuuang subsidiary ng Emperador – ang kasunduan na bilhin ang 230 hektarya lupaing may vineyard o taniman ng ubas sa Toledo, Espanya.
Ang nasabing vineyard ay katabi mismo ng Vinedos del Rio Tajo na pinamamahalaan ng Bodegas Las Copas – na kalahati ang interes ng Emperador. Inaasam ng Emperador na palawakin pa ang Vinedos. Ang vineyard na ito ay dinadaluyan ng Ilog Tajo, na pinakamahabang ilog sa Iberian peninsula sa Europa.
Ani Jorge B. Domecq, ang tagapamahalang direktor ng Grupo Emperador Spain, isinalin mula sa Kastila: “Ang magandang vineyard na ito sa libis ng Ilog Tajo ang pinamakalaking taniman ng ubas sa Espanya na bukod tangi para sa brandy. Sa tulong ng teknolohiya na nauukol sa pagpapamahala ng vineyard, ang target namin ay makaani ng 30,000 kilos ng dekalidad na ubas bawat hektarya, higit sa normal na ani ng 6,500 kilos ng ubas bawat hektarya sa Espanya. Sa ganoon, sa bawat hektarya ng taniman, aani tayo ng limang beses pang ubas para gawing mainam na brandy.”
Dagdag ni Domecq, “Dahil mas marami tayong aning ubas, mas magandang pangsuporta ito sa pangangailangan natin ng mga sariwang sangkap para sa produksyon ng brandy. Dahil hawak natin ang mga proseso mula sa taniman at pag-aani ng ubas hanggang sa produksyon ng brandy, lalong gumanda ang ating posisyon na panatilihing No. 1 brandy sa buong mundo ang Emperador Brandy.”
Ang pagbili na ito ng karagdagang lupain ay nagbibigay rin sa Emperador ng kapasidad na mag-expand ng distribusyon ng Emperador sa buong mundo. Idiniin ni Domecq na ang Emperador Spain ay tuluyang naghahanap ng vineyard land na puwedeng bilhin sa Espanya, para ang kanilang kabuuang vineyard property ay umabot na sa 2,000 hektarya sa taong 2016.