LAOAG CITY – Naging isang tourist attraction ngayon ang isang puno ng saging na may walong puso sa Sitio Calutit, Brgy. 40, Buyon, Bacarra, Ilocos Norte.
Ayon kay Joselyn Bu-ted, may-ari ng puno, hindi sila makapaniwala sa nakitang puno ng saging dahil sa napakahabang panahon na pagtatanim sa kanilang bakuran ay ngayon lamang ito nangyari.
Sa una nilang pagkakatuklas sa puno ay plano nilang tagpasin sa pag-aakalang baka may masamang idudulot.
Gayonman, ayaw ng kanyang ina na sirain ang puno dahil wala pang masamang nangyayari sa kanilang pamilya.
Bukod sa walong puso ay napakarami aniya ng bu-nga ng puno kompara sa normal na pamumunga ng isang puno ng saging.
Bunsod nito, dinarayo ng mga usyusero ang puno at ang ilan ay humihingi ng puno ng saging upang kanilang itanim.
Marami rin anila ang nagpapakuha ng larawan sa puno upang ipamalita sa kanilang lugar.
(FIDEL COLOMA)