TAPOS na ang paghihintay ng mga bagong prangkisang Kia Motors at Blackwater Sports.
Puwede na nilang simulan ang pagbubuo ng kani-kanilang mga koponan papasok sa 40th season ng Philippine Basketball Association na magsisimula sa Oktubre 1.
Mamimili ang Kia at Blackwater ng mga manlalarong puwedeng maging bahagi ng kanilang core sa expansion Draft na gaganapin sa Biyernes sa PBA Commissioners Office sa Libis, Quezon City.
Ito’y matapos ipatupad ang ‘protect 12 system’ sa sampung regular member teams at magbagsak sila ng mga manlalaro sa expansion pool. Ang listahan ng mga players na nailaglag sa pool ay ipinadala na sa pamunuan ng Kia at Blackwater.
Kapwa na-excite ang pamunuan ng mga expansion teams.
Kabilang sa mga nailaglag sa expansion pool sina Ronnie Matias ng San Mig Coffee, Alex Nuyles at Larry Rodriguez ng Rain or Shine. Ang mga ito ay naglaro sa nakaraang PLDT Home Telpad Governors Cup Finals.
Kasama ni Matias na nailagay ng Mixers sa pool ang mga reserbang sina JR Cawaling, Lester Alvarez at Ken Bono.
Ang iba pang nasa expansion pool ay sina Ryan Buenafe, Nic Belasco, Paolo Bugia at Renren Ritualo ng Alaska Milk; Bonbon Custodio, Jason Deutschman, Hans Thiele, Magi Sison, Rob Labagala at Roger Yap ng Barako Bull; Jens Knuttel at Bryan Faundo ng Barangay Ginebra; Carlo Sharma, Val Acuna, Mark Yee at Rudy Lingganay ng Globalpot; Danny Ildefonso, Paul Artadi, Anthony Bringas, Nelbert Omolon at Chris Timberlake ng Meralco; Mike Burtscher, Chito Jaime at Wynne Arboleda ng NLEX; Jai Reyes, Eric Salamat, Robby Celiz, Jimbo Aquino at John Ferriols ng Talk N Text at Samuel Marata ng San Miguel Beer.
(SABRINA PASCUA)