LALO pang lumakas ang bagyong Glenda habang nakaamba ang pagtama nito sa kalupaan ng Luzon.
Ayon sa Pagasa, taglay na ngayon ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 120 kilometro bawat oras.
bago magtanghali kahapon ay natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 620 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes.
Umuusad ito pa kanluran sa bilis 28 kilometro bawat oras.
Sa kasalukuyan, nakataas na ang signal number 2 sa Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay at Sorsogon.
Habang signal number one sa Masbate kabilang ang Burias at Ticao Islands, Marinduque, Quezon, Polillo Islands, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Pangasinan, Southern Aurora at Metro Manila at Northern Samar.
Bahagyang lumihis ang direksyon na tinatahak ng bagyo at sa pagtaya ng Pagasa, maaaring unang mag-landfall ito sa Catanduanes sa umaga ng Martes at tatahakin ang bahagi ng Bicol Region, partikular sa Camarines Sur, Camarines Norte, Polillo Island.
Maapektuhan din nito ang Metro Manila, Rizal, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan.
Dahil dito, inabisuhan na ng Pagasa ang mga residente sa mga lugar sa direksyon ng bagyo na paghandaan ang malalakas na pag-ulan at hangin na maaaring humantong sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.
DAVAO OCC. NIYANIG NG 6.1 MAGNITUDE QUAKE
NIYANIG ng 6.1 magnitude na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao kahapon ng hapon.
Ayon sa Phivolcs, naramdaman ito dakong 3:59 p.m.
Natukoy ang epicenter sa layong 88 km sa timog silangan ng Don Marcelino, Davao Occidental.
May lalim itong 10 kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Naitala ang intensity II sa General Santos at Davao City.
Habang intensity I ang naramdaman sa M’lang, North Cotabato.