PINABORAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang protesta ng Brgy. 719, Zone 78, District V kaugnay sa 9th City Council Resolution No. 23 Series of 2014 ng lungsod ng Maynila.
Sa nasabing resolusyon, iniutos na makuha ng Brgy. 720, Zone 78, District V ang real property tax na nagmumula sa Brgy. 719.
Bunsod nito, humingi ng tulong si Brgy. 719 Chairman Jaime Adriano sa DILG at idinulog ang isyu.
Partikular na itinanong ni Adriano sa DILG kung maaaring makuha ang barangay boundaries sa pamamagitan ng resolusyon lamang.
Ayon sa tugon ni DILG-NCR Regional Director Renato L. Brion, nakasaad sa Section 6 (Authority to Create Local Government Units, at Section 10 (Plebiscite Requirement), na bago magkaroon ng pagbabago sa boundaries ng barangay, kailangan muna ng plebisito at dapat idaan sa pamamagitan ng ordinansa at hindi sa resolusyon lamang.