TUTUMBUKIN ng tropical storm Rammasun o bagyong Glenda ang Southern Luzon kapag pumasok ito sa Philippine area of responsibility (PAR) kaya pinaghahanda ng PAGASA ang mga residente sa nasabing bahagi ng rehiyon.
Huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,540 kilometro sa silangan ng Southern Luzon.
Kumikilos ito nang pakanluran sa bilis na 22 kilometro bawat oras.
Sa ngayon ay taglay na nito ang lakas na 65 kph, ngunit inaasahang lalo pang lalakas habang papalapit sa ating bansa.
Inaasahang papasok ito sa PAR sa susunod na 24 oras, habang mararamdaman ang epekto sa huling bahagi ng linggong ito.