INIUTOS ng pamahalaan ang agarang pagpapauwi sa mga Filipino na naninirahan sa Gaza Strip sa harap ng umiigting na kaguluhan doon.
Ito ay makaraan itaas ng DFA sa level 3 ang alerto o voluntary repatriation para sa mga kababayan sa naturang lugar.
“In view of the growing threats to security posed by the Israel-Hamas conflict to Filipinos in the Gaza Strip, the Department of Foreign Affairs has raised Alert Level 3 (Voluntary Repatriation) in the Gaza Strip,” ayon sa DFA.
Ayon sa ahensiya, ang embahada ng Filipinas sa Cairo, Tel Aviv at Amman ang tutulong sa mga kababayan na makauwi ng Filipinas.
“These Embassies continue to be in close contact with Filipinos in Gaza,” ayon pa sa ahensiya.
Samantala, nanatili sa alert level 1 o precautionary phase ang umiiral sa West Bank maging sa Southern at Central Israel.
Una nang ipinanawagan ng UN Security Council ang agarang ceasefire sa pagitan ng Israeli forces at Palestinians sa border nila na Gaza Strip.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paglobo ng bilang ng mga namamatay at sa kasalukuyan ay 156 Palestinians na ang kompirmadong patay na karamihan ay mga sibilyan.
Kabilang sa mga sugatan ang police chief ng Gaza City.
Dahil dito, 15 miyembro ng UN Council ang nag-apruba sa panawagan ni Palestinian President Mahmoud Abbas hinggil sa ceasefire sa Gaza
Una nang nanindigan ang Israel na hindi sila yuyukod sa international pressure na magkaroon ng tigil putukan sa Gaza.