HAWAK na ng Bureau of Immigration (BI) ang Australian national na hinihinalang nagre-recruit ng mga Pinoy para maging kasapi ng teroristang grupo sa labas ng bansa.
Inaresto si Robert Edward “Mosa” Sirantonio, matapos matuklasang expired ang kanyang passport.
Dalawang linggo nang minamanmanan ang teroristang supporter ng Islamic State of Iraq and Syria sa Brgy. Pahak, Lapu-Lapu, Cebu.
Matapos matunton ay dinakip ang suspek kasama ang isang Pinay na si Joan Montaire, alyas Myra Asnawix.
Ilang cellphone, sim card, memory card, flash drive, dalawang kopya ng Koran at laptop bag na naglalaman ng mga dokumento ang nakompiska ng mga awtoridad.
Mas kilala si Sirantonio sa pangalang “Musa” na nababanggit sa mga international news articles at sa youtube na nagpapanawagan ng Jihad.
Ayon kay PRO-7 Deputy Chief Police Sr. Supt. Conrad Capa, bago natunton ang kinaroroonan ng suspek, nagsasagawa na sila ng surveillance sa loob ng dalawang lingo matapos malamang nasa watchlist na ng BI ang nasabing dayuhan.
Inihahanda na ng BI ang warrant of deportation laban sa dayuhan.
(E. ALCALA/
L. BASILIO)