MASUSING tatalakayin ang hirit ng PNP na supplemental budget kaugnay sa pagbibigay seguridad sa high-profile inmates gaya ni Janet Lim-Napoles na ibinibiyahe pa mula sa Fort Santo Domingo sa Santa Rosa, Laguna.
Magugunitang umaaray na ang PNP sa laki ng gastos tuwing dinadala nila sa korte si Napoles at kailangan nila ng karagdagang pondo.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, aminado silang nagkakaroon ng drain o pagkaubos sa pondo ng PNP dahil bukod kay Napoles, nariyan din ang ilang senador na sangkot din sa pork barrel scam.
Ayon kay Valte, nauunawaan nilang nagbawas na rin ng tauhan ang PNP na nag-e-escort para makatipid.
Ngunit sa kabila nito, tinitiyak aniya nilang hindi nagkukulang ang PNP sa pagbabantay sa mga akusado at pagpapatupad ng kanilang responsibilidad.
“That will have to be discussed further but I think, at this point, it is important to say that the PNP will not skirt its responsibility in providing — in securing this detainees. Hindi lang po si Napoles iyong pinag-uusapan pero talagang nagkakaroon po ng ano, iyong — ng drain doon sa resources ng PNP dahil ang layo po.. nung Fort Sto. Domingo at marami hong nag-e-escort. I understand na nagbawas na po sila ng kanilang manpower para bumaba po nang kaunti iyong kanilang expenses,” ani Valte.