NAPIKON ang Palasyo nang bansagan ni Kabataan partylist Rep. Terry Ridon bilang isa na naman “PNoy-Abad pork barrel” ang P20-B Grassroots Participatory Budgeting (GPB) na ipinatupad ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad mula pa noong 2013.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na dapat basahin at intindihin muna ni Ridon ang GPB bago pintasan at maglabas ng pahayag.
“ You know, dispensing with the buzz words of Terry Ridon, he should just take a closer look at what GPB is. Kaysa iyong pintas nang pintas agad, basahin po muna natin. Intindihin po natin iyong programa bago po tayo mag-issue po ng mga statement na ganyan kasi iyong mga ganyan hong statement, nahahalatang hindi po natin naiintindihan iyong programa,” ayon kay Valte.
Nangangamba si Ridon na ang GPB ay isang iskema upang ilipat ang pondo ng bayan sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) gaya ng kay Janet Lim-Napoles, dahil itinatakda nito ang partisipasyon ng civil society organizations sa pagtukoy ng mga ipapanukalang proyekto ng lokal na pamahalaan na popondohan ng DBM.
Sa ilalim ng GPB, ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan ay hinihiling na magsumite ng listahan ng mga proyektong nagkakahalaga ng P15 milyon na gusto nilang tustusan ng national government.
Ang mga proyekto ay dapat tukuyin ng mga lokal na ehekutibo sa pamamagitan ng konsultasyon sa CSOs at local basic sector organizations.
Giit ni Ridon, nakababahala ito lalo na’t ang utak ng GPB ay si Abad na itinurong mentor ni Napoles sa pork barrel scam.
“Kasi since the time that the President assumed office, ang pinaglalaban ho ng mga civil society organizations is magkaroon nga ng transparency and to let a third party participate in the budget process lalo ho pagdating sa mga LGUs nila. Kasi ang inirereklamo raw po nila iyong LGUs, iyong mga opisyal lang daw po ang nakakakita kung papaano ho ginagastos iyong budget ng mga lokal na pamahalaan. So under the GPB, they would actually be given — not projects but they would be allowed to see kung ano ho at mag-identify ng mga proyekto para sa kanilang mga komunidad,” paliwanag ni Valte.
(ROSE NOVENARIO)