KOMPLETO ang Gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III sa ginanap na budget presentation ni DBM Secretary Florencio “Butch” Abad kahapon. Naluha si Abad nang ihayag ni Pangulong Aquino na hindi niya tinanggap ang pagbibitiw ng budget secretary. (JACK BURGOS)
IBINASURA ni Pangulong Benigno Aquino III ang resignation ni Budget Secretary Florencio Abad, na kasalukuyang nasa hot seat makaraan ideklara ng Korte Suprema na un-constitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).“Yesterday, Secretary Abad gave me a letter tendering his resignation from the Cabinet and I have considered the same and I have decided not to accept his resignation,” pahayag kahapon ng Pangulo bago magsimula ang Cabinet meeting para talakayin ang panukalang 2015 national budget sa Palasyo.
Anang Pangulo, maging ang mahihigpit na mga kritiko ng administrasyong Aquino ay kinikilala na nakinabang ang mga mamamayan sa DAP kaya’t kung tatanggapin niya ang pagbibitiw ni Abad ay para na rin niyang tinanggap na mali ang gumawa ng tama.
“In the notion in the current atmosphere is DAP was bad for our people. Even our most vociferous critics grant that DAP has benefited our people. To accept his resignation is to assign to him a wrong and I cannot accept the notion that doing right by our people is a wrong. Therefore, I have decided not to accept his resignation and I think the whole Cabinet should be made aware of this,,” anang Pangulo.
Napaiyak si Abad habang nagpalakpakan ang mga miyembro ng gabinete makaraan ang pahayag ng Punong Ehekutibo.
Lumalakas ang panawagan ng iba’t ibang grupo na sibakin ng Pangulo si Abad dahil sa kontrobersiyal na DAP kasabay nang paghain ng impeachment case laban sa Pangulo sa Kongreso at pagsampa ng plunder case laban sa Budget secretary sa Ombudsman.
(ROSE NOVENARIO)
PAGTANGGI BINATIKOS
BINATIKOS ng mga kritiko ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ang hindi pagtanggap ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagbibitiw ni Budget Sec. Butch Abad.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Terry Ridon, siyang naghain ng kasong plunder laban kay Abad, hindi nila nakitaan ng sinseridad ang pagbibitiw ang kontrobersiyal na kalihim.
Mas mabuti aniya kung irrevocable resignation ang inihain ni Abad.
Habang sa panig ni dating National Treasurer Leonor Briones, sinabi niyang hindi na siya nasorpresa sa desisyon ni Pangulong Aquino dahil natural na ito ang magiging reaksyon ng punong ehekutibo.
Kaugnay nito, sinupla niya ang pagmamalaki ng Malacañang na malaki ang naitulong ng DAP sa ekonomiya ng bansa gayong ang World Bank mismo ang nagsabi na wala talagang naiambag ang DAP.
Sa kabilang dako, tinawag ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General Rep. Toby Tiangco na bad script, bad acting at bad faith ang ginawa ni Sec Abad.
Si Bayan muna Rep. Neri Colmenares, kabilang sa mga nagsusulong ng impeachment case sa pangulo, ay nagsabi na kung sakaling tinanggap ng pangulo ang pagbibitiw ni Abad, para na ring inamin na mali talaga ang DAP.
Senado kay Abad: DAP IPALIWANAG
PINADADALO ni Senate Committee on Finance Chairman Senator Francis “Chiz” Escudero si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio “Butch” Abad sa pagdinig ng Senado sa Hulyo 21 ukol sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng Korte Suprema bilang unconstitutional.
Bukod sa pagpapadalo sa pagdinig ay iniutos din ni Escudero kay Abad na dalhin ang lahat ng dokumentong may kinalaman sa DAP kabilang ang lahat ng lumabas na Special Allotment Release Orders (SARO), mga proyektom at kung magkano inilaan bawat isa mga ito.
(NIÑO ACLAN)
OCHOA NAG-WALKOUT SA CABINET MEETING?
ITINANGGI ng Malacañang na nag-walk-out si Executive Sec. Jojo Ochoa habang nagpapatuloy ang meeting ng gabinete na ipinatawag ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sa nasabing meeting nagsagawa ng presentasyon si Budget Sec. Butch Abad hinggil sa 2015 proposed national budget.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, walang katotohanan at walang basehan ang nasabing balita.
Una rito, lumabas ang mga report hinggil sa sinasabing hindi pagpirma ni Ochoa sa mga dokumentong may kinalaman sa Disbursement Accelaration Program (DAP) at dumirekta raw si Abad kay Pangulong Aquino para papirmahan.
KONTROBERSIYA SA DAP IDINAAN NG PALASYO SA DASAL
MISTULANG idinaan ng gabinete ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa dasal ang mga kinakaharap na kontrobersya ng administrasyon.
Sa 2015 Budget Presentation sa Malacañang, naging sentro ng opening prayer ni Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang kinakaharap na mga problema partikular ang pagkakadeklara ng Disbursement Accelaration Program (DAP) bilang unconstitutional, ang binubuong Bangsamoro Basic Law at ang patuloy na recovery efforts sa biktima ng bagyong Yolanda. Sinamantala rin ni Deles ang pagkakataon para pasaringan ang mga bumabatikos sa kanila lalo ang mga nagsampa ng kaso sa ilang miyembro ng gabinete gaya ni Budget Sec. Butch Abad, at mga nagpupumilit aniyang manira sa kanilang mga pangalan.
“God Creator, Jesus Redeemer, Holy Spirit, Sustainer, today we gathered together at a time more challenging than most. Several issues threatened to engulf the ship of state and thus derail our ‘tuwid na daan.’ The constitutionality of the DAP, the work in progress that is the Bangsamoro Basic Law, the recovery of Yolanda affected and other devastated areas, CARPER or Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms and so on and so forth,” ani Deles sa kanyang opening prayer.