IPINAGMALAKI ng Palasyo na bahagi ng kampanya kontra-terorismo ng administrasyong Aquino ang pagdakip ng pulisya sa isang hinihinalang Australian Muslim extremist sa Lapu-Lapu City, Cebu kahapon ng umaga.
“Bahagi ito ng patuloy na kampanya laban sa terorismo,” pahayag ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., kaugnay sa pag-aresto kay Robert Edward Musa Cerantonio, 29-anyos Muslim convert, itinuturing na online cheerleader ng Al-Qaeda linked group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Nabatid na si Cerantonio ay halos isang taon nang nakabase sa Filipinas at isa sa “most-liked extremist preacher” sa isang social networking site.
Kasama ni Cerantonio nang maaresto ang isang Joean Montayre, sinasabing fashion designer na may alyas na Mayra Ashawie na taga-Mindanao.
(ROSE NOVENARIO)