Nagpatupad na ang gobyerno ng total deployment ban para sa overseas Filipino workers (OFWs) na patungo ng Afghanistan.
Sa ilalim ng POEA Governing Board Resolution No. 15, hindi muna pinapayagan ang pagproseso at deployment ng lahat ng returning OFWs na patungo sa nasabing bansa.
Ito ay kasunod na rin ng desisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na itaas sa Alert Level 3 ang antas ng krisis sa Afghanistan dahil sa nagaganap na tensyon matapos ang kanilang Presidential Elections na ginawa noong Hunyo 14.
Nilinaw ng POEA na ang deployment ban para sa mga bagong tanggap na OFWs patungong Afghanistan ay mahigit anim na taon nang ipinatutupad ng gobyerno.
Ayon sa Philippine Embassy sa Islamabad, mayroong 5,250 Filipino sa Afghanistan na karamihan ay nagtatrabaho para sa US contractors.
Sa rekord ng POEA nitong 2013, karamihan sa nasabing OFWs ay nagtatrabaho bilangg production supervisor, production workers, machine fitters, engineer at electrical wiremen.
(Beth Julian)