NAGPASOK ng not guilty plea ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa pa-ngatlong kaso ng plunder na kanyang kinakaharap sa arraignment na isinagawa kahapon ng umaga.
Si Napoles ay co-accused ni Sen. Juan Ponce Enrile sa P172-milyon plunder case.
Mula sa kanyang kulu-ngan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna, dinala si Napoles sa Sandiganbayan third division para basahan ng sakdal.
Makaraan ang arraignment agad din ibinalik si Napoles sa kanyang kulungan.
PLEA NI ENRILE IPINASOK NG KORTE
TUMANGGI si Senador Juan Ponce Enrile na magpasok ng plea sa kinakaharap na kasong plunder kaugnay sa pork barrel scam.
Bunsod nito, ang Sandiganbayan third division ang nagpasok ng “not guilty” plea para sa senador.
Binasahan ng sakdal si Enrile makaraan ibasura ng anti-graft court ang kanyang mosyon na ipagpaliban ang kanyang arraignment.
Si Enrile ay sinasabing nagbulsa ng P172 milyon na kickbacks mula sa bogus na non-government organizations (NGOs) ni Janet Lim-Napoles.
Ang 90-anyos senador ay naka-confine sa PNP General Hospital makaraan sumuko sa Kampo Crame.
GIGI REYES ‘DI NAKADALO SA ARRAIGNMENT
HINDI nakadalo sa pagbasa ng sakdal kaugnay sa kinakaharap niyang kaso si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes kahapon ng umaga.
Ito’y dahil hindi binigyan ng clearance ng Taguig-Pateros District Hospital na makadalo sa arraignment si Reyes.
Ayon kay hospital director Dr. Prudencio Sta. Lucia, hindi makabubuti kay Reyes kung dadalo sa arraignment dahil maaari siyang matumba kapag tumayo.
Nananatili sa ospital ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile makaraan makaranas ng panic attack at hypertension nang ilipat ng kulungan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay BJMP spokesman Insp. Aris Villaestre, hanggang ngayon hindi kumakain si Reyes.
Si Reyes ay co-accused sa kasong plunder kaugnay sa pork barrel scam.