MAGSISIMULA ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup ngayon sa laban nito kontra Chinese Taipei sa Wuhan, Tsina.
Magsisimula ang laro sa alas-2:45 ng hapon kung saan sisikapin ng mga bata ni coach Chot Reyes na gantihan ang kanilang pagkatalo sa mga Taiwanese sa FIBA Asia Championships sa Pilipinas noong isang taon.
Kasama ang mga Pinoy at Taiwanese sa Group B at kabilang din sa grupo ang Singapore at Jordan .
Lahat sila ay aabante sa quarterfinals dahil sa biglaang pag-atras ng Uzbekistan .
Nasa lineup ng Gilas sa torneo sina Ranidel de Ocampo, Gary David, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Jay Washington, Junmar Fajardo, Jared Dilinger, Paul Lee, Beau Belga, Jake Pascual, Garvo Lanete, Kevin Alas at Marcus Douthit.
Haharapin ng mga Pinoy ang Singapore sa Lunes at ang Jordan sa Martes.
Ang dating coach ng Gilas na si Rajko Toroman ay hahawak sa mga Jordanian.
Sa huling FIBA Asia Cup noong 2012 sa Japan ay tumapos ang Gilas sa ika-apat na puwesto.
Mapapanood ang mga laro ng Gilas sa FIBA Asia Cup sa TV5.
Ni JAMES TY III