NAGLABAS na ng lookout bulletin ang Department of Justice (DoJ) laban sa 17 suspek sa pagkamatay sa hazing ng 18-anyos na si Guillo Cesar Servando.
Ayon kay Justice Sec. Leila De Lima, inilabas ang Lookout bulletin order upang subaybayan ang kilos ng mga suspek habang nakabinbin ang imbestigasyon sa kaso.
Ginawa ito ng DoJ makaraan matuklasan na ang isa sa mga suspek na si Keven John Navoa ay lumabas ng bansa noong Hulyo 1.
Naniniwala si De Lima na hindi malayong gayahin ito ng iba pang mga suspek sa pagpatay kay Servando upang makatakas sa mga awtoridad.
Magugunitang nailagay na sa provisional inclusion sa Witness Protection Program (WPP) ang isang suspek na sumuko nitong Martes.
Tiwala ang NBI na nasa bansa pa ang karamihan sa mga suspek.
Inihayag din ng NBI na hindi nakikipagtulungan ang mga lider ng Tau Gamma Phi sa imbestigasyon ng naturang kaso.
(HNT)