BINIGYANG-PUGAY ni Rain or Shine head coach Joseller “Yeng” Guiao ang San Mig Super Coffee dahil sa pagkapanalo ng Coffee Mixers ng Grand Slam sa PBA.
Sa pag-uusap sa ilang mga manunulat noong isang gabi pagkatapos na matalo ang Elasto Painters sa Game 5 ng finals ng Governors Cup, sinabi ng kongresista ng Pampanga na naging masama ang kanilang simula kaya napilitan silang maghabol hanggang sa kinapos sila sa huli.
“We had a bad start in the first quarter and although we managed to outscore them (Mixers) in the last three quarters, it was not enough,” wika ni Guiao. “We fell one three-point shot short and it was just not meant for us. But we gave the public a good series.”
May tsansa sana ang Painters na itabla ang laro sa 92 ngunit namintis ni Arizona Reid ang kanyang huling tres kaya naitakas ng San Mig ang panalo na nagtapos sa serye.
Sa katatapos na PBA season ay dalawang beses na nag-runner-up ang Rain or Shine at huli itong nagkampeon noong 2012.
“We end the season with our heads unbowed,” ani Guiao. “I congratulate Tim Cone and San Mig for a very good series and they deserved the Grand Slam.”
Habang nagpapahinga sina Guiao at ibang mga Painters ay umalis kahapon sina Paul Lee at Beau Belga upang sumama sa Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa FIBA Asia Cup sa Wuhan, Tsina. (James Ty III)