ARESTADO ang isang Polish national makaraan mahulihan ng pekeng pera sa Candoni, Negros Occidental kamakalawa.
Nakakulong sa Candoni Police detention cell ang suspek na si Wociech Stolarski, 32, ng Lubin City, Poland.
Ayon kay Insp. Junji Liba, ng Candoni Police Station, nakuha mula kay Stolarski ang bundle-bundle na counterfeit money sa iba’t ibang denominations na umaabot sa P25,000.
Nadakip ang suspek nang magsumbong sa pulisya ang may-ari ng isang tindahan sa Brgy. Dancalan, Ilog na binayaran ng suspek ng pekeng pera.
Katwiran ng suspek, hindi niya alam na peke ang dala niyang pera ngunit hindi siya pina-kinggan ng mga awtoridad.
Una nang nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad kaugnay sa pagkalat ng mga pekeng pera sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, nalaman na galing sa Ilo-ilo ang dayuhan at pumunta sa isla ng Negros para bumili ng mga produkto gamit ang pekeng pera.
Kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o “illegal possession and use of false treasury or bank notes and other instrument” ang isasampa laban sa naturang dayuhan.
(BETH JULIAN)