LUMARGA NA ANG KAMPANYA AT NAKITA NA NI ATOY ANG POLITIKA
O kaya sa mga caucus ko inihahayag ang aking plataporma sa panunungkulan kung sakaling mahahalal na SK chairman.
Isang linggo bago ang nakatakdang halalang pambarangay, lalong naging puspusan ang pa-ngangampanya ng kampo ko. Maganda ang talumpating sinulat ni Tito Mar. Minemorya at saka ko iyon binibigkas nang may buhay sa harap ng mga tagapakinig. Sa bawat pagtatapos ng talumpati ko ay matutunog na palakpakan ang pasalubong sa akin ng mga naroroon. Pero ang ikinasorpresa ko ang pagsasabit sa aking leeg ng bulaklak ng sampaguita ng sampung pagkaganda-ganda at pagkaseksi-seksing kabataang chikababes. Ay, nanghalik pa sa pisngi ko ang bawa’t isa sa kanila.
Hindi iyon ang una at huling pangyayari na nagmistula akong isang super star kada matatapos ang speech ko. Ilang ulit pang nasundan ang panghahalik at pagkukwintas ng sampagita sa akin ng mga kabataang chikababes. Kaya lang, napansin ko na araw-araw ay pabawas nang pabawas ang kanilang dami. Noong una ay sampu ang kanilang bilang. Naging pito kinabukasan. Tapos ay naging lima na lang. At katapus-tapusan ay isa na lang sa mga magaganda at seksing chikababes ang natira. Naging loyalista ko ‘yun dahil inaanak pala sa binyag ni ermat.
Napag-alaman ko na ang grupo ng magaganda at seksing chikababes ay pinirata raw ni Marlon para maging dancer-cheering squad sa pangangampanya. Limang daang piso raw per day ang bayad sa kanila ng kalaban ko sa pagka-SK chairman. Pero takang-taka ako kay Tito Mar na grabe ang naging reaksiyon. Halos maunat ang kanyang kulot na buhok sa sobrang galit.
“Traydor!” ang itinawag ni Tito Mar sa mga chikababes na lumipat sa kampo ng kalaban ko.
Sa pagitan ng katakot-takot na pagmumura ay nabanggit ni Tito Mar na binabayaran pala niya ng tig-tatlong daang piso ang bawa’t isa sa grupo ng mga kabataang chikababes — na ang tanging papel ay hagkan ako sa pisngi at sabitan ng sampagita sa pagtatapos ng talum-pati ko.
“Kasabihan nga, Koyang… Loyalty is only for the dog. At sa larangan ng politika ay laging may katapat na presyo ang hinahanap mong katapatan…” ang nasabi ni erpat kay Tito Mar.
“Patay tayo d’yan!” ang naibulong ko sa sarili sa pagkadesmaya. (Itutuloy)
ni Rey Atalia