ILOILO CITY – Umabot sa 44 Taiwanese nationals na miyembro ng cyber crime syndicate ang naaresto sa lungsod ng Ilo-ilo.
Unang naaresto kamakalawa ng hapon ang 23 miyembro ng sindikato sa isang bahay sa Imperial 6 Subdivision sa Guzman-Jesena, Mandurriao.
Kasunod nito, isa pang operasyon ang isinagawa at karagdagang 21 pang mga suspek ang naaresto sa isang bahay sa Block 10, Ledesco Village, Lapaz, Iloilo City.
Dadalhin ang mga supek sa Metro Manila at inaasa-hang ipapa-deport pabalik sa Taiwan para masampahan ng kaso.
Ayon kay Supt. Bernard Young ng Anti-Cyber Crime Group na nakabase sa Camp Crame, modus ng grupo na tumawag sa mga bigtime na negosyante sa Taiwan at mainland China at lolokohin sa pamamagitan ng pagsasabi na may nagawa silang paglabag sa batas kagaya ng money laundering.
Kapag nakombinsi ang kanilang biktima, aalukin nila na magdeposito ng pera sa kanilang account.
Sa impormasyon ng mga awtoridad, pinili ng mga suspek na mamalagi sa Iloilo City bagama’t wala silang binibiktimang Filipino.
Sa nabanggit na lungsod nila isinisentro ang operasyon dahil mas magaan anila ang kanilang kasong haharapin sakaling mahuli.