UMARAY ang Palasyo sa ibinulgar ng People’s Television Employees Assoaciation (PTEA) na kumuha ng mga dagdag na consultants ang Malacañang sa PTV-4 sa kasagasagan ng impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona.
“PTV has contracted the services of professionals in technical areas essential to network operations and this is being done in compliance with government rules and regulations,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, na may direktang pangangasiwa sa PTV-4.
Ayon kay PTEA Vice President Angie Arguelles, lumaki ang bilang ng contract of service (COS) personnel sa ilalim ng administrasyon ni Undersecretary George Syliangco sa kasagsagan ng Corona impeachment trial kahit walang kita ang government TV station.
”Lumobo ang COS sa kanilang term kahit wala pang kita ang PTV. Nag-hire o nag-accommodate sila from PCOO (Presidential Communications Operations Office) personnel noong panahon (coverage) ng impeachment ni Corona,” aniya.
Giit ng PTEA, labag sa mga patakaran ng Civil Service Commission (CSC) na ang mga division ay pamunuan ng contractual employees , ngunit ipinatutupad ng Management sa basbas ng PCOO.
“Despite the PTEA’s constant reminder and verbal warnings by the CSC that divisions should not be run by contractual employees as per CSC rules, this practice of Management still persists with most of the overseeing officers projecting that they are under the PCOO,” anang PTEA sa kanilang kalatas.
Hiniling rin ng PTEA na mag-public apology si Coloma dahil sa pang-iinsulto sa mga kawani ng PTV sa isang panayam sa radio nang sabihin na kaya nagpapatuloy ang hiring ay dahil wala sa hanay ng mga regular na empleyado ang pwedeng mapagkatiwalaan at maaasahang gampanan ang mga tungkulin sa mga kinakailangang operasyon.
Anang PTEA, may 279 regular employees at 278 COS employees at talents sa kasalukuyan ang PTV.
Nabatid na tuwing tanghali sa nakalipas na tatlong linggo ay nagsasagawa ng kilos-protesta ang PTEA bilang pagtuligsa sa pag-ipit sa mga benepisyo ng mga retirado at mga insentibo na nakapaloob sa Collective Negotiations Agreement at kawalan ng umento sa sweldo sa nakalipas na walong taon.
(ROSE NOVENARIO)