SINIGURADO ng consultant ng North Luzon Expressway na si Allan Gregorio na magiging palaban ang Road Warriors sa una nilang pagsabak sa Philippine Basketball Association sa ika-40 na season ng liga na magsisimula sa Oktubre.
Katunayan, kinumpirma ni Gregorio na sigurado nang pasok sa lineup ng Road Warriors sina Asi Taulava, Mark Cardona at Aldrech Ramos na parehong galing sa Air21 na ang prangkisa nito’y nabili na ng NLEX.
Bukod dito, mapupunta sa Road Warriors ang ikatlong pick sa first round ng PBA Rookie Draft.
“Our first season will be a transition one after we get the Air21 franchise. Then we will compete in the second year,” wika ni Gregorio. “We are going to evaluate the whole Air21 team and by August, we will announce our final lineup.”
Idinagdag ni Gregorio na kung kinakailangan, papasok ang NLEX sa mga trades para makuha ang mga dati nilang manlalaro na nasa ibang mga koponan sa PBA.
“Definitely, there will be trades. Pero mahirap na kunin namin yung mga dating players na naglaro sa amin sa D League,” ani Gregorio. “We will meet (bukas) to discuss our plans for the team.”
Samantala, isang source ang nagsabing magkakaroon ng malaking pagbabago sa mga koponang may-ari ni Manny V. Pangilinan sa PBA.
Ayon sa source, balak palitan ni Pangilinan sina Norman Black at Ryan Gregorio bilang mga coaches ng Talk n Text at Meralco, ayon sa pagkakasunod, dahil sa palpak na kampanya ng Tropang Texters at Bolts ngayong PBA season.
Idinagdag ng source na si Boyet Fernandez na ang hahawak ng NLEX pagkatapos ng NCAA season kung saan siya ang coach ng San Beda.
(James Ty III)