HINDI na hihintayin pa na matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino lll para sa pagsasampa ng reklamong impeachment.
Sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, sa susunod na linggo ay wala nang makapipigil pa sa kanila sa paghain ng impeachment complaint laban kay Aquino.
Ayon kay Ridon, magiging batayan para sa pagpapatalsik kay Presidente Aquino ay ang pag-akto niya sa usapin tungkol sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Sinabi pa ni Ridon, bagama’t wala silang sapat na bilang, naniniwala sila na kapag makita ng taong bayan at mga kongresista na may batayan ang impeachment complaint laban sa presidente, papabor din sila.
PNOY ‘DI MAGBIBITIW — SEN. BAM
ITINANGGI ng pinsan na si Senador Bam Aquino ang lumabas sa column ng isang pahayagan na magre-resign na si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III makaraan ang kaliwa’t kanang batikos kaugnay sa lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Sen. Aquino, hindi totoo ang lumabas sa column ng isang pahayagan at ito ang pinakamasaklap na posibleng mangyari sa bansa sakaling mag-resign si Pangulong Aquino. “Sa palagay ko this was the worse thing that will happen to our country kung mag-resign ang isang president”
(CYNTHIA MARTIN)