IWAS-PUSOY ang Palasyo sa isyu na pinayagan ni Pangulong Benigno Aquino III na gamitin ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang P5.4 bilyong pondo ng Disbursement Acceleration Program (DAP) bilang compensation sa mga panginoong maylupa (landlord), partikular ang P471 milyon para sa Hacienda Luisita Inc., ng mga Cojuangco.
“Hinihintay ko pa ang beripikasyon,” ang matipid na sagot ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., nang tanungin kung may katotohanan ang nasabing alegasyon ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Nauna nang inamin ni Abad na noong 2011, P5.4 bilyong pondo ng DAP ay ibinayad bilang compensation sa mga landlord na pinangasiwaan ng DAR.
Isiniwalat din ni DAR Secretary Virgilio delos Reyes sa isang Congressional probe na P471.5 milyon ang tinanggap ng HLI bilang “bilang just compensation” kahit pa ang halaga’y doble sa itinakda ng Korte Suprema na presyo ng 4,000 ektaryang Hacienda Luisita na isinailalim sa repormang agraryo ng gobyerno. Napaulat na kabilang din sa nabiyayaan ng P6.5 bilyong DAP funds ay ang mga mambabatas sa panahon ng impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
(ROSE NOVENARIO)