HINILING ni Senate minority leader Juan Ponce Enrile sa Sandiganbayan ang pansamantalang hospital arrest sa PNP General Hospital habang nakabinbin pa ang kanyang hirit na motion for bail kaugnay ng kasong plunder bunsod ng pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Ang 90-anyos na si Enrile ay dinala sa PNP General Hospital noong nakalipas na Biyernes nang pumalo sa 200/90 ang kanyang blood pressure makaraan sumuko sa Kampo Crame nang lumabas ang warrant of arrest kaugnay ng kinakaharap na kaso.
Sa kanyang petition sa Sandiganbayan, idinahilan ni Enrile para siya ay isailalim sa hospital arrest ang kanyang maselan na kalusugan at edad.
Hiniling din niya sa korte na bigyan ng pahintulot ang administrator ng hospital na magkaroon ng discretion para payagan ang senador na tumungo sa ibang hospital kung kailangan para sa kanyang kalusugan.
Nabatid na umaabot sa 22 iba’t ibang gamot ang iniinom ni Enrile araw-araw dahil sa kanyang mga karamdaman.