HINDI pa man nalulutas ang insidente ng hazing sa Dela Salle College of Saint Benilde (DLS-CSB) na ikinamatay ni Guillo Cesar Servando, 18 anyos, sa ilalim ng Tau Gamma Phi, isa pang insidente ang naganap sa lalawigan ng Cavite na nagresulta sa pagkaka-ospital ng tatlong estudyante.
Limang estudyante ang naaresto sa initiation rites na sinasabing mga kasapi ng Tau Gamma Phi Fraternity na sina Raymark Bolante, 24, taga-La Paz Homes, Brgy. Cabezas, Trece Martires City; Jeric Locañas, 19; Elizander Allan Dejano, 19; Mark Antijendra, 23; pawang taga-Dasmariñas City at Jerome Contemprato, 18, residente sa Brgy. Santiago, Gen Trias, Cavite.
Dinala sa Gen. Emilo Aguinaldo Hospital dahil sa mga sugat at pasa sa katawan ang mga biktimang sina Felix Sabio, 19, Jhon-Jhon Santos, 20 at ang 17-anyos na binatilyo na pawang mga taga-Dasmariñas City.
Ayon kay PO3 Benjamin Villanueva, may hawak ng kaso, dakong 4:30 p.m. nang i-turn over ng mga opisyal ng barangay ang mga suspek at ayon sa kanila, bandang 1:30 ng hapon nang makatanggap sila ng impormasyon na may nagaganap na initiation rights sa ilog malapit sa La Paz Homes, Brgy. Cabezas, Trece Martires City.
Nang puntahan ng mga opisyal ng barangay naaktohan nilang pinapalo ng paddle ang mga biktima kaya agad na dinakip ang mga suspek habang isinugod sa ospital ang mga biktimang sinasabing pawang out of school youth na nagnanais makapasok sa nasabing fraternity.
Nakompiska mula sa mga suspek ang dalawang piraso ng paddle na may sukat na 3 x 7 pulgadang haba na gagamiting ebidensiya sa kasong isasampa laban sa mga suspek. (Beth Julian)