TULUYAN nang sinibak sa pwesto bilang warden ng PNP Custodial Center si Supt. Mario Malana.
Ito’y makaraan mapatunayan na nilabag niya ang takdang oras ng pagbisita para sa dalawang nakakulong na senador na sangkot sa P10-Billion pork barrel fund scam.
Nabatid na nilabag ni Malana ang takdang visiting hours para sa mga bilanggo partikular sa dalawang senador na sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Itinalagang pansamantalang officer-in- charge ng Custodial Center si Supt. Peter Limbauan.
Una rito, pina-imbestigahan ni PNP chief, Director General Alan Purisima ang mga alegasyon hinggil sa ilang mga bisita ng mga senador na matagal kung lumabas o overstaying.
Sa imbestigasyon ng PNP Support Service sa pamumuno ni Chief Supt. Benito Estipona, kanilang napatunayan na nilabag ni Malana ang legal instructions.
Ayon kay Estipona, mahigpit na ipinatutupad ng PNP ang visiting hours sa custodial center, ito ay simula 9 a.m. hanggang 3 p.m. tuwing Huwebes at Linggo.
Ngunit exempted dito ang kanilang spiritual advisers at lawyers.
Samantala, ipinauu-baya na ng pambansang pulisya ang desisyon sa korte hinggil sa paglipat sa dalawang senador na nakapiit ngayon sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Ayon kay PNP PIO, Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, nakahanda ang PNP sa pagtugon kung ano ang magiging desisyon ng korte. (HNT)