Nanawagan ang mga residente ng Pagrai Hills sa Barangay Mayamot, Antipolo City sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na buwagin ang sindikatong kriminal sa kanilang lugar na sangkot sa land grabbing, gun-for-hire, gun running, cyber sex at illegal drugs operations.
Ayon kay Joey Valerio, isa sa mga lider ng Pagrai Homeowners Association & Alliance, maganda ang hakbang ni CIDG chief Director Benjamin Magalong laban sa mga sindikatong kriminal sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) kaya umaasa sila na kikilos ang pulisya laban sa isang alyas “Apol” na sinasabing utak ng iba’t ibang krimen sa Pagrai Hills at iba pang parte ng Antipolo.
“Marami nang pinatay ang private armed groups ni Apol pero siya pa ang binibigyan ng proteksiyon ng mga politiko at retiradong opisyales ng pulisya sa Antipolo,” ani Valerio. “Last week lang, binantaan ng isang retiradong heneral ng pulisya ang mga sheriff ng Antipolo na huwag magsagawa ng demolisyon sa mga lupang ilegal na ibinenta o pinaupahan ni Apol.”
Nabatid na ang dating heneral ay nakabili rin ng mga pekeng titulo kay alyas Apol at tumanyag siya nang madestino at pamunuan ang jueteng operations sa Bulacan.
“Sana naman magkampanya ang CIDG sa Antipolo partikular sa Pagrai at Cogeo areas dahil si Apol din ang utak ng bentahan ng ilegal na droga sa Antipolo,” dagdag ni Valerio. “Nagkalat din ang mga hired killer sa Pagrai at parang manok lang kung patayin nila ang urban poor leaders dito sa aming lugar.”