MATUNOG ang pangalan ni Marcos Maidana para sa susunod na laban ni Floyd Mayweather Jr.
Ang rematch nina Mayweather at Maidana ay kasalukuyang niluluto na. Na ayon sa mga miron ay halos done-deal na ang laban.
Matatandaang nagharap ang dalawang boksingero dalawang buwan na ang nakararaan na kung saan ay tinalo ni Mayweather si Maidana via majority decision.
Sa nasabing laban ay inulan ng batikos ng maraming kritiko at eksperto sa boksing na nagpahayag ng pagkadismaya sa naging vedict ng laban. Dahil sa magandang inilaro sa ring ni Maidana ay inaasahan ng marami na matitikman na ni Mayweather ang unang talo pero hindi iyon nangyari nang ibigay ng dalawang hurado ang kalamangan kay Floyd.
Nakatakdang isapubliko ni Mayweather ang nasabing rematch sa susunod na linggo. At kung maikakasa ang laban ay itatakda iyon sa Setyembre 13.
Samantala, kinompirma naman ng La Ten Media noong nakaraang linggo sa BET Awards na nanggaling na mismo sa bibig ni Floyd na magkakaroon nga ng Part 2 ang nauna nilang laban ni Marcos.
“Sept. 13, back to business, Marcos Maidana-Floyd Mayweather, part II,” pahayag ni Mayweather. “And then in May, I’m fighting in May and I’ll have a big surprise for ya’ll.”
Pero para kay Sebastian Contursi, manager ni Maidana na nainterbiyu ng ESPN, na wala pang pormal na pagkasa sa nasabing laban patuloy pa rin ang negosasyon nila ni Al Haymon para sa nasabing laban.
“Still in the talks. Nothing confirmed on our side,” pahayag ni Contursi. “Hopefully, we’ll have a decision made in the next 4-5 days.”