MATAPOS MAMAHAGI NG RELIEF GOODS INIHATID NI ANTHONY SI TITSER LINA PERO SILA’Y NAANTALA
Hindi lamang sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan itinalaga ang mga sundalo ng gobyerno. Tumulong din sila sa distribusyon ng relief goods na naka-plastic bag. Pero dinagsa iyon ng tao. Kaya sa rami ng nangangailangan ay marami pa ang hindi naabutan ng kagyat na tulong.
Dakong hapon nang matapos ang relief goods operation. Noon lumapit kay Titser Lina si Anthony. “Ihahatid na po namin kayo, Ma’m, sa inyong pag-uwi,” anito na nanghalik sa kanyang pisngi. Matamis na ngiti at mahigpit na pagpisil sa punong-braso sa dati niyang estudyante ang kanyang iginanti. “Maraming salamat,” aniya sa pagsang-ayon.
Pinasakay si Titser Lina ni Anthony sa isang army type jeep. Naupo siya sa una-hang upuan ng sasakyan na napapagitnaan ng dati niyang estudyante at ng driver nito na nasa harap ng manibela.
Padilim na ang paligid sa banayad na pamamahinga ng araw sa Kanluran.
Binagtas ng army type jeep na sinasak-yan nina Titser Lina at Anthony ang mahabang daan. Maputik at nagkalat pa ang samo’t saring basura na iniwan ng baha. Naging maingat ang driver na sundalo sa pagpapatakbo ng sinasakyan nilang behikulo. Pagkaraan ng pagkahaba-habang panahon ay noon lang nakita at muling naka-kwentohan ni Titser Lina ang valedictorian ng Batch 2004.
Nasabi sa kanya ni Anthony na nadestino siya sa Eastern Samar kamakailan lang. Sa Guiuan kasi isinilang at lumaki ang kanyang dating estudyante kaya naniniwala ang pamunuan ng AFP na kabisado niya ang pasikot-sikot sa buong probinsiya. Nakaiintindi at nakapagsasalita pa ng wikang Waray-on kaya madali raw makahahalubilo sa lahat ng uri ng tao roon.
Pamaya-maya, nagmenor ng takbo ang tauhang driver ni Anthony. Sa isa kasing panig ng kalsada na pasalu-ngat sa direksiyong pinagmulan nina Tit-ser Lina ay isang cargo truck ang nabalaho sa isang malalim at maputik na hukay. Mahigit isang dosenang kalalakihan ang nagtutulong-tulong para maiahon iyon. Kahon-kahong relief goods ang lulan ng trak. Marahil ay dadalhin ang mga kargamento ni-yon sa mga barangay na nabiktima ng bagyo.
Umibis ng army type jeep si Anthony at ang driver nito upang alamin kung ano ang maitutulong sa kinasapitang problema ng cargo truck. (Itutuloy)
ni Rey Atalia