BINUHUSAN ng gasolina at sinunog nang buhay ang isang da-laga sa Pakistan ng kanyang manliligaw matapos tanggihan ang inialay na pag-ibig at alok ng kasal.
Pangalawa ito sa brutal na pamamaslang sa Punjab province sa Pakistan sa loob lamang ng ilang araw, kasunod ng pagpatay sa isang 17-anyos na dalagita at ang kanyang asawa dahil sumuway sa nais ng kani-kanilang pamilya na maghiwalay sila.
Sa bayan ng Daska, sadyang pinatay sina Maafia Bibi, 17, at ang kanyang 31-anyos na asawang si Muhammad Sajjad ng ama ni Bibi at dalawang tiyuhin, lolo at ina ng dalagita dahil nag-asawa ang magkasintahan nang labag sa kanilang kagustuhan.
Naganap ang pinakahuling insidente sa baryong bahagi ng munisipalidad ng Toba Tek Singh.
Nasa kanyang tahanan si Sidra Shaukat, 18, habang wala ang kanyang mga magulang nang dumating ang kanyang manliligaw na si Fayyaz Aslam, 22.
Agad binuhusan ni Aslam ang dalaga saka sinindihan, ayon kay Mohammad Akram ng lokal na pulisya.
“Dinala ang biktima sa isang lokal na ospital ngunit hindi siya tinanggap at pinalipat sa main hospital pero hindi na umabot nang buhay,” ani Akram.
Naaresto ang may kagagawan ng krimen at kinasuhan na sa korte.
“Mahal na mahal siya ng lalaki at nagpadala pa ng proposal para magpakasal sila subalit tinanggihan siya ng pamilya ng biktima,” dagdag ni Akram.
Kinompirma naman ng ama ni Sidra na si Shaukat Ali ang pamamaslang at ina-kusahan pa si Aslam ng pangha-harass sa kanyang anak na babae.
“Madalas niyang hina-harass iyong anak ko—kahapon ay dumating siya ng bandang hapon at nagbanta matapos na hilingin naming tigilan na ang pagpunta niya sa aming bahay,” pahagy ni Ali sa AFP.
Kinalap ni Tracy Cabrera