Saturday , December 20 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph

170,000 toneladang nickel ore stockpile, palulusutin sa Zambales?

GARAPALAN na ang ginagawa ng mga kompanya sa pagmimina at pamahalaang lokal ng Sta. Cruz, Zambales para lamang mahakot mula sa nasabing bayan ang itinatayang 170,000 toneladang nickel ore stockpile ng mga kompanyang Benguet Nickel Minerals Inc. (BNMI) at Eramen Minerals Inc (EMI) na sinuspinde kamakailan ng Environmental Management Bureau sa Region 3 (EMB3) ang hauling operations.

Ayon sa Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS), ginagapang ng BNMI at EMI katulong ang Sangguniang Bayan ang ilang opisyal at empleado ng EMB3 upang pansamantalang makapag-operate ang dalawang kompanya mahakot lamang ang nakaimbak nilang nickel ore.

Isang taktika na planong gawin ng BNMI at EMI na ipahakot sa isa pang kompanya ng pagmimina na DCMI ang kanilang nickel ore stockpile maidiskarga lamang sa tatlong barkong nakaabang sa kanilang pier sa Sta. Cruz ang yamang mineral na kadalasang ipinupuslit patungong China.

Sinuspinde ng EMB3 ang BNMI at EMI noong nakaraang Hunyo 9 dahil nawasak ng pagmimina ang mga ilog, palaisdaan, sakahan at karagatan ng Sta. Cruz, nawasak ng hauling operations ang mga kalsada at hindi sumusunod sa kautusan ni Director Normelyn Claudio ang dalawang kompanya na tanggalin ang lahat ng nickel laterite na tumabon sa mga sakahan, ilog, palaisdaan at baybay-dagat at para ito’y i-rehabilitate.

Nitong Lunes, nagsadya ang EMB3 sa pangunguna ni Claudio sa Sta. Cruz para alamin kung sumunod ang BNMI at EMI sa mga kautusan at kondisyones ng ahensiya. May mga sinunod ang dalawang kompanya pero ang pangunahing kondisyon na pagdraga (dredging) sa mga ilog ng Panalabawan at San Fernando at mga palaisdaan sa Brgy. San Fernando at ilog ng Alinsaog sa Brgy. Lomboy ay hindi nagawa. Dahil dito, iniutos ni Claudio ang pagpapatuloy ng suspensiyon sa hauling operations.

Tinakot ng BNMI at EMI si Claudio na kung hindi sila papayagang maibaba ang kanilang nickel ore stockpile na may halagang US$23M o P1 bilyon ay posibleng dumausdos ito pababa kapag may malakas na ulan at muling matatabunan ang mga ilog, sakahan at palaisdaan.

Idiniin ni Dr. Benito Molino ng CCOS, maliwanag na isang blackmail ang “apela” ng BNMI at EMI sa EMB3 kaya nagbigay siya ng pahayag: “Kung mayroon mang dapat sisihin sa patuloy na suspensiyon ng kanilang hauling operations, walang iba kundi ang mga minero (BNMI at EMI) mismo. Sinira ng kanilang operasyong pagmimina ang aming kapaligiran at mga kalsada at hindi rin sila sumusunod sa kautusan ng EMB3. Hindi pa rin nila nababayaran ang kanilang mga naperhuwisyo. Dahil sa kanilang kapabayaan, dapat din silang managot sa mga empleyado at mga manggagawang nawalan ng kita o sahod.”

Sabi naman ni Claudio: “Hangga’t hindi nila naipapakita na madradraga nila ang mga apektadong daluyan ng tubig, mabayaran ang mga naperhuwisyo nilang mga magsasaka at mga mangingisda at makapagpakita ng kapani-paniwalang programang rehabilitasyon sa mga napinsalang kapaligiran ay mananatili ang suspensiyon.”

Dapat bantayan ng CCOS at maging ng EMB3 kung gagamiting “dummy” ng BNMI at EMI sa paghahakot ng nickel ore stockpiles ang DMCI. Marahil, dapat na rin suspindihin ang DMCI at lahat ng kompanyang nagmimina ng nickel sa kabundukan ng Sta. Cruz, Zambales hangga’t hindi natatasa ang labis na pinsala sa kapaligiran at maging sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa nasabing bayan. Dapat na rin kasuhan ng graft sa Office of the Ombudsman ang lokal na opisyales na nagbubulag-bulagan sa pinsala ng mga kompanyang nagmimina sa Sta. Cruz maging mapintog lamang ang sari-sariling bulsa.

Ariel Dim Borlongan

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Ariel Dim Borlongan

Check Also

MMFF Parade

MMFF Parade of Stars magsisimula sa Macapagal Ave

I-FLEXni Jun Nardo PARADE of Stars ngayong hapon para sa 51st Metro Manila Film Festival sa Makati City. …

ABS-CBN ALLTV TV5

ABS-CBN bayad na raw utang sa TV5 

I-FLEXni Jun Nardo BAYAD na raw ang obligasyon ng ABS-CBN sa TV5. Ayon ito sa kumalat na press release …

Zsa Zsa Padilla Aliw Awards

Aliw Awards nag-sorry kay Zsa Zsa

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez HUMINGI ng paumanhin ang Aliw Awards Foundation sa aktres/singer, Zsa Zsa Padillamatapos isauli ang Lifetime …

Andrea Brillantes Rekonek

Andrea naospital, ‘di nakadalo sa preem; Rekonek positibo mensahe sa pamilyang Pinoy

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez MAGANDA ang iniwang mensahe ng pelikulang Rekonek: anumang pinagdaraanan ng pamilya, mag-away-away …

Laoang Northern Samar PNP

Sa Laoang, Northern Samar
P.1-M cash, alahas isinauli ng nakapulot na magsasaka

PINURI ng pulisya at netizens ang isang magsasaka nang isauli ang napulot na bag na …