INAMIN ni Pangulong Benigno Aquino III kahapon, ang kaso sa illegal drugs sa Amerika na kinasangkutan ni Nora Aunor ang dahilan kaya hindi niya idineklarang National Artist ang aktres.
“Sa aking pananaw ang National Artist … iyong binibigyan natin ng honor na ito, puri na ganito, dahil gusto natin sabihin malaki ang inambag sa lahing Filipino at dapat tularan. Ngayon ang naging problema ko lang doon, alam naman natin lahat na iginagalang ko, ulit si Binibining Nora Aunor, na-convict po siya sa drugs. Na-convict at naparusahan at ang tanong ngayon dito, ‘pag ginawa ba nating national artist may mensahe ba akong maliwanag na sinasabi sa sambayanan?” anang Pangulo sa media interview kahapon sa Clark Air Base sa Pampanga.
Ang drug case na kinasangkutan ni Nora sa US ay ibinasura ng Los Angeles court noong 2007 makaraan aminin ng aktres ang paggamit ng illegal drugs at sumailalim sa anim buwan na drug rehabilitation program.
(ROSE NOVENARIO)