NAGSAGAWA ng earthquake drill ang mga mag-aaral ng Libis Elementary School sa Brgy. Blue Ridge A, Quezon City bilang paghahanda sa posibleng maganap na malakas na lindol. (RAMON ESTABAYA)
BILANG paggunita sa National Disaster Consciousness Month, magsasagawa ngayon araw ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng nationwide simultaneous earthquake drill.
Ayon kay NDRRMC administrator at Office of Civil Defense executive director Alexander Pama, ilulunsad ang nasabing aktibidad sa Roxas Boulevard, Maynila malapit sa US embassy.
Ang aktibidad ay dadaluhan ng mga estudyante, administrators at occupants ng high-rise buildings sa nasabing lugar.
Ito ay bilang paghahanda sa posibleng mangyaring 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila area batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS).
Sa nasabing pag-aaral, kapag naganap ang 7.2 magnitude na lindol ay posibleng masira ang 40% ng residential buildings at posibleng aabot sa 34,000 residente ang mamatay habang 114,000 ang posibleng masugatan.