PINANINIWALAANG ang pagiging casino financier ang dahilan ng pagpapahirap at pamamaslang sa isang Filipino-Chinese na natagpuang patay sa loob ng itim na Toyota Fortuner nitong nakaraang araw ng Linggo (Hunyo 29) sa Parañaque City.
Ang biktima, kinilalang isang Joseph Ang, ay natagpuang wala nang buhay, nakasubsob, nakaposas ang mga kamay sa likod, nakagapos ng packaging tape ang mga paa, at may nakapulupot na alambre sa leeg sa loob ng kanyang sasakyan.
Natagpuan ang nasabing sasakyan, itim na Toyota Fortuner, may plakang KAR-80, na nakaparada sa harap ng Classic Marble Supply sa nabanggit na lugar dakong 4 a.m sa Dr. Santos Avenue, Brgy. San Dionisio.
Ito ay iniulat sa himpilan ng pulisya ni Joriel del Mundo, security officer ng Wilcon Depot.
Ayon kay Parañaque City Colice chief, Chief Supt. Ariel Andrade, lahat ng anggulo ay kanilang tinitingnan maging ang mga transaksyon ng biktima hinggil sa negosyo.
Aniya, may nabubuo na silang teorya sa pamamaslang kay Ang ngunit hindi muna inihayag ang detalye habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon.
Nagbuo na ng isang team ang Parañaque police na tututok sa naturang kaso.
Sinabi ni Andrade, sinulatan nila ang management ng Resorts World Casino sa Pasay City para humingi ng kopya ng close circuit television (CCTV) footage para malaman kung anong oras dumating at umalis si Ang.
Posible aniyang sa (CCTV) sila makakuha ng ebidensya laban sa suspek.
Tutulong din umano ang Pasay City Police sa imbestigasyon dahil may hinalang dinukot ang biktima sa Pasay.
Ayon kay Insp. Jose Mari Jasmin ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay City Police, makikipag-ugnayan sila sa management ng Resorts World upang makakalap ng impormasyon kaugnay sa insidente at para sa ikalulutas ng kaso.
Ang kaso ay hawak nina PO3 Romy Brezuela, PO3 Isidro Magluyoan, at PO1 Pio Calvo, Jr.
Ayon sa testigo na tumangging magpabanggit ng pangalan, napansin niya ang nasabing sasakyan habang nakaparada sa nabanggit na lugar dakong 4 a.m.
Narekober sa loob ng sasakyan ang membership ID mula sa Resorts World sa pangalan ni Joseph Ang, at kopya ng OR ng sasakyan na nakapangalan sa isang Carl Georence Lao Lim.
Magugunitang si Ang ay nasangkot sa insidente ng droga nang habulin ng martilyo ng isang Jerry Sy, isang Casino player na nagsabing hindi na naibalik ng una ang kanyang isinanlang Rolex.
Sa galit, tinangkang paluin ng martilyo ni Sy si Ang pero mabilis na nakatakbo at naisuplong siya sa pulisya.
Nang masakote ng awtoridad, natagpuan sa kotse ni Sy ang maraming baril, bala at martilyon ganoon din ang ilang sachet ng ilegal na shabu.
nina Jerry Sabino at Jaja Garcia