IBINUNYAG ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) kahapon na tanging si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III lamang ang umayaw sa nominasyon ni Nora Aunor bilang National Artist.
Sinabi ng legal counsel ng NCCA na si Atty. Trixie Angeles, pumasa ang aktres sa lahat ng proseso, maging sa screening ng Malacañang Honors Committee na pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa.
Ayon kay Angeles, sa deliberasyon pa lang ay natalakay na ng Honors Committee ang kaugnay sa isyu ng drug abuse ng super star at ang tax evasion na hindi naisampa.
“Satisfied” aniya ang komite sa paliwanag nila tungkol sa mga isyu kay Aunor at kasama ang pangalan ng aktres sa pitong nominado na isinumite ng Honors Committee kay Pangulong Aquino.
Una rito, napaulat na inilaglag ng Pangulo si Aunor dahil nais niyang maging National Artist ang yumaong Comedy King na si Dolphy.
Ngunit ayon kay Angeles, hindi umabot si Dolphy sa pangatlong proseso ng deliberasyon kaya hindi kasama sa mga nominado.
Habang nilinaw ng NCCA na hindi obligadong magpaliwanag ang Pangulo sa naging desisyon niya, at maaari pa rin i-nominate muli bilang National Artist si Nora Aunor. (HNT)