ISANG Vietnamese national na hinihinalang sangkot sa illegal drug trade ang nakapuslit sa kustodiya ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2, iniulat kahapon.
Sa nakalap na impormasyon ng HATAW Dyaryo ng Bayan, ang Vietnamese national, kinilalang si Than Tan Loc ay kabilang sa excluded passengers dahil sa record na sangkot sa pagmamanupaktura ng shabu sa bansa.
Gayon man, ang nasabing impormasyon ay kinokompirma pa ng mga awtoridad.
Ang nasabing dayuhan ay ini-exclude at nasa kustodya ng duty intelligence personnel na kinilalang si Jay Olgado.
Ayon sa ulat, dakong 5:00 am nitong Hunyo 28 (Sabado), nagkaroon ng transiting si Olgado kaya iniwan niya muna ang Vietnamese sa isang confidential agent (CA).
Pero matatapos na rin ang duty ng CA na pinag-iwanan ni Olgado kaya napabayaan makatakas ang Vietnamese national.
Iniwan umano ng CA ang mga gamit ng Vietnamese maging ang passport kaya nagkaroon ng pagkakataon na makapuslit.
Kaugnay nito, agad umanong ipinag-utos ni Immigration Commissioner ang pagtugis sa tumakas na Vietnamese national habang inatasan din na magpaliwanag ang mga sangkot na Immigration personnel.
(HATAW News Team)