ISANG estudyante ng De La Salle College of St. Benilde (DLS-CSB) ang namatay habang kritikal ang tatlong iba pa matapos sumailalim sa fraternity hazing sa Malate, Maynila, kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Guillo Cesar Servando, 18, second year college sa CSB, at nakatira sa 8809 Sampaloc St., San Antonio Village, Makati.
Kritikal sa Philippine General Hospital (PGH) ang iba pang biktima na sina John Paul Raval, 18, nakatira sa 29th Floor ng One Archer’s Place Condominium, na nasa 2311 Castro St., corner Taft Avenue, Malate; Levin Roland Flores, 17, ng Vista Verde, Barangay San Isidro, Cainta, Rizal; at Lorenzo Agustin, 18, ng NLK4 Unit 402 Prime City, St. Paul Rd., Barangay San Antonio, Makati City, pawang estudynate ng CSB.
Sa ulat ni PO2 Michael G. Maraggun, may hawak ng kaso, dakong 12:35 a.m. kahapon, itinawag sa Homicide Section ng MPD ang pagkamatay ng biktma na agad naman nilang nirespondehan at nalamang dumaan sa initiation rite ang mga biktima.
Sa imbestigasyon, nalaman na sangkot din sa nasabing insidente ang isang Trex Garcia, isang Hans Tamaring at iba pang hindi pinanga-ngalanang lalaki.
Alas-10:48 p.m. nang matagpuan ang katawan ni Servando sa loob ng Unit 2907, 29th floor ng One Archer’s Place.
Napag-alaman na sinundo ng isang lalaki na kilala lamang sa alyas Aircon ang mga biktima bandang 5:30 p.m. ng Sabado sa harap ng McDonalds na nasa tabi ng DLSU.
Sinasabing si Aircon ay secretary ng Alpha Kappa Rho Fraternity ng University of Sto. Tomas (UST) at isinakay sa isang berdeng Honda CRV, piniringan ang mga mata at dinala sa hindi malamang lugar kung saan isinagawa ang hazing.
Pagkatapos ng initiation rites, inilipat ang apat na biktima sa nasabing condo unit at doon nawalan nang malay si Servando.
Tadtad ng pasa sa likod at hita ang mga biktima.
Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya sa kaso.
ni LEONARD BASILIO