NAKIBAHAGI na rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng seguridad sa lungsod ng Davao sa harap ng nananatiling banta ng terorismo.
Magugunitang si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III mismo ang nagbigay-alam kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may banta sa seguridad ang lungsod.
Dahil dito, inalerto nin Eastern Mindanao Command commander, Lt. Gen. Ricardo Cruz ang kanilang intelligence unit upang makipagtulungan sa pulisya laban sa banta ng masasamang elemento.
“PNP intel units are also doing the same efforts. We are working jointly with the PNP,” ayon kay Cruz.
Habang tiniyak ng mga awtoridad na may sapat silang pwersa para hadlangan ang ano mang pananalakay ng masasamang grupo.
Naka-heightened alert ngayon ang Davao City makaraan pulungin ni Duterte ang mga lokal na opisyal at matataas na pinuno ng law enforcement agencies kasunod ng abiso ng presidente.
Gayunman, hindi idinetalye ni Duterte ang pinag-usapan nila ni Pangulong Aquino at ang seguridad ng lungsod.
Tiniyak ng alkalde na kontrolado nila ang sitwasyon at nakahanda silang harapin ang ano mang banta sa kanilang lugar.