SINIBAK sa puwesto ang chief of police at miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng San Juna City police station kaugnay ng hostage drama na naganap kamakailan.
Agad nag-isyu ng relief order si EPD director, Chie Supt. Abelardo Villacorta, kay Sr. Supt. Joselito Daniel at mga tauhan ng SWAT.
Hindi pa pinangalanan ang mga tauhan ng SWAT na sinibak kasabay ni Daniel, ayon kay EPD assistant spokesperson P02 Catherine Capinpin.
Ang pagsibak ay para bigyan-daan ang imbestigasyon ng PNP-Internal Affiars Office (IAO) kung may lapses o kapabayaan ang San Juan PNP sa nangyaring 10-oras hostage drama na nauwi sa pamamaril ng suspek na si Charliemaene Aton kay Solomon Condenuevo bago magbaril sa ulo sa law office sa isang commercial building sa F. Ramon St., San Juan.
Sa naunang imbestigasyon, may teorya ang pulisya na si Aton ay mentally unstable dahil sa ginawang paghiling na makausap si US Pres. Barack Obama, bago patayin ang abogado at nagbaril din sa sarili.
Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek.
Nilinaw ni Villacorta na sakaling lumitaw sa imbestigasyon na walang pagkukulang ang San Juan PNP, ibabalik sa puwesto si Daniel at ang SWAT members na sinibak.
Hahalili bilang OIC ng San Juan PNP si deputy COP na si Supt. Jose Rivera. (ED MORENO)