IPINAGTAKA ni Justice Sec. Leila de Lima ang pagbasura ng Sandiganbayan 1st division sa amended information ng Office of the Ombudsman laban kay Sen. Bong Revilla at iba pang mga akusado sa kaso.
Ayon kay De Lima, hindi normal sa isang kaso na pigilan ang prosekusyon na maamyendahan ang kanilang reklamo kaya dapat agad maghain ng mosyon ang panig ng special prosecutors.
Gayunman, naniniwala si De Lima na kahit hindi mailusot ang amyenda sa reklamo ay matibay pa rin ang kaso laban sa mga akusado.
Magugunitang ang DoJ at NBI ang nangalap ng mga ebidensya at naghain ng kaso sa Ombudsman para sa naturang usapin.
PAGBASURA SA AMYENDA ‘DI DAPAT IKABAHALA — DRILON
WALANG dapat ikabahala ang taongbayan sa pagbasura ng Sandiganbayan sa inihaing amended case ng Office of the Ombudsman laban kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., at iba pang sangkot sa kontrobersiyal na multi-bilion peso pork barrel scam.
Sinabi ni Drilon, walang epekto sa merito at tibay ng kaso ang pagbasura ng anti-graft court sa inihaing amended case ng prosekusyon.
Agad ding nagbigay ng kuro-kuro ang ilang abogado na namemeligro ang kaso dahil sa nangyaring aberya at baka mapalaya pa ang nasasangkot na mga mambabatas.
Paliwanag ni Drilon, naging justice secretary, ang tagumpay ng kaso ay batay sa ebidensyang ihahain ng prosekusyon sa korte para idiin ang mga nasasakdal.
“Ako ay hindi nababahala dahil ang denial will not affect the case. Ayon po ‘yan sa ebidensyang ihaharap sa Sandiganbayan,” ani Drilon.
Nabatid na ibinasura ng Sandiganbayan ang hirit ng Ombudsman makaraan aminin mismo ng Office of the Special Prosecutor na ang kanilang inihaing kasong plunder laban kay Revilla ay matibay kahit pa hindi na amyendahan ang charge sheet.
Nais sana ng prosecution na amyendahan ang asunto upang sabihin na si Janet Lim-Napoles at mga kasamahan ay “private individuals” na nakikipagsabwatan sa senador para ibulsa ang milyon-milyong pisong pera mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
AMYENDA VS JINGGOY INIATRAS
NAGBABALA ang mga mahistrado ng Sandiganbayan 5th division na posibleng makalaya ang mga akusado sa pork barrel fund scam case kapag nagpumilit ang prosekusyon na amyendahan ang kanilang inihaing reklamo.
Sa pagdinig kahapon sa bail petition ni Sen. Jinggoy Estrada, sinabi ni Associate Justice Roland Jurado, malaki ang magiging epekto kung tatanggapin ang ano mang amyenda sa information sheet.
Dahil dito, napilitan ang Ombudsman at special prosecutors na iurong na lamang ang kanilang planong pag-amyenda sa complaint.
Magugunitang kamakalawa ay ibinasura ng Sandiganbayan 1st division ang amendments ng case information para kay Sen. Bong Revilla at iba pang isinasangkot sa kaso.
Maging ang pagpapalit ng salitang “collaboration” sa “conspiracy” ay sinopla rin ni Associate Justice Alexander Gesmundo.