TUMANGGING magpasok ng “plea” si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., nang basahan ng sakdal kaugnay sa kasong kinakaharap sa Sandiganbayan dahil sa pagwaldas sa pondo ng bayan.
Bunsod nito, ang korte na lamang ang nagpasok ng “not guilty plea” para sa senador.
Habang sina Janet Lim-Napoles at dating chief of staff ni Revilla na si Atty. Richard Cambe ay nagpasok ng “not guilty plea” sa First Division ng Sandiganbayan.
Una rito, maaga pa nang dumating na nakabarong si Revilla sa Sandiganbayan dakong 8 a.m.
Kasama ni Revilla ang misis na si Rep. Lani Mercado-Revilla, mga anak at ilang mga supporter.
Mahigpit na seguridad ang inilatag ng pulisya sa senador mula sa PNP headquarters sa Camp Crame at kay Napoles na nanggaling pa sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Isa sa depensa ng senador ay pineke aniya ang kanyang mga pirma sa pakikipagtransaksyon sa mga pekeng NGOs ni Napoles.
Nahaharap ang actor-politician sa P224 million kickbacks mula sa kanyang PDAF.
Ang iba pang mga akusado ay binasahan din ng sakdal at tulad nang inaasahan ay nagpasok din ng “not guilty plea.”
Umaabot sa 16 counts ng kasong graft ang paulit-ulit na binasa para sa mga nasasakdal kasama na si Sen. Bong.
Si Senador Jinggoy Estrada ay sa susunod na linggo isasailalim sa arraignment ng Fifth Division ng anti-graft court.
Habang ang iba pang mga akusado sa kaso ay “at large” pa rin.