PERSONAL na opinyon lang ni Pangulong Benigno Aquino III ang pahayag na posibleng isailalim sa hospital arrest si Sen. Juan Ponce-Enrile at walang intensiyon na impluwensiyahan ang magiging desisyon ng Sandiganbayan
Ito ang sagot kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., sa akusasyon ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na ang pahayag ng Pangulo hinggil kay Enrile ay paglabag sa tiwala at kompiyansa ng publiko, isang kasalanan na pwedeng maging dahilan ng pagpapatalsik sa kanya sa pwesto.
“Malinaw sa pahayag ng Pangulo na ipinapaubaya sa hukuman ang pasya na maaring i-detine si Senator Enrile. Ang sinabi lang niya ay isaalang-alang ang edad at kondisyon ng pangangatawan ng Senador. Hindi ito maaaring maituring na iniimpluwensya ng Pangulo ang sino man,” paliwanag ni Coloma.
Sinabi ni VACC founding chairman Dante Jimenez, natural na may epekto ang mga pahayag ng Pangulo dahil siya ang Pangulo ng bansa.
Magugunita na isinapubliko ni Pangulong Aquino ang kanyang saloobin na dapat may konsiderasyon kay Enrile na bukod sa 90-anyos na ay marami pang sakit.
Pagkaraan ay ipinakita ng Philippine National Police (PNP) ang kwarto sa Camp Crame General Hospital na posibleng paglagakan kay Enrile sakaling ipag-utos ng Sandiganbayan ang hospital arrest sa senador na akusado sa kasong plunder kaugnay sa P10-B pork barrel scam.
(ROSE NOVENARIO)