PINASASAMPAHAN ng Department of Justice (DoJ) ng kasong perjury ang hinihinalang big time rice smuggler na si Davidson Bangayan.
Sa resolusyong pirmado ni Prosecutor General Claro Arellano, nakasaad na may sapat na batayan o probable cause para sampahan ng kasong perjury o paglabag sa Article 183 ng Revised Penal Code, si Bangayan.
Nag-ugat ang kaso sa inihaing reklamo ng Senate Committee on Agriculture and Food na nagsabing nagsinungaling si Bangayan nang ipatawag sa pagdinig ng nasabing komite hinggil sa rice smuggling.
Matatandaan, paulit ulit na itinanggi ni Bangayan sa nasabing pagdinig, na siya si David Tan, sinasabing utak sa rice smuggling.
Ito ay sa kabila ng mga dokumentong ipinakita ni Federation of Philippine Industries Chairman Jesus Arranza kaugnay sa libel complaint na inihain ni Bangayan laban sa kanya.
Ang nasabing libel complaint ay may kaakibat na affidavit na sinabi ni Bangayan na siya si David Tan.
Ang kasong perjury laban kay Tan ay ihahain sa Pasay Metropolitan Trial Court.
(LEONARD BASILIO)